Pilipinas
 
  Philippines
  Filipino Clothes
  Filipino poems
  Filipino proverbs
  Filipino riddles
  Filipino Saint
  Filipino Scientists and Inventors
  Filipino sports champions
  Philippine animals
  Philippine Churches
  Philippine desasters/ Leyte mudslide
  Philippine desasters/ Luzon earthquake
  Philippine desasters/ Mt. Pinatubo eruption
  Philippine desasters/ Typhoon Durian (Reming)
  Philippine ethnic songs
  Philippine folk dances
  Philippine Myths & Legends
  Philippine national artist
  Philippine national heroes
  Philippine volcanoes
  Philippine world records
  Presidents of The Philippines
Filipino poems

Babae
Jack Alvarez


God gave Mary the opportunity to shine,
Let that same opportunity be given
To women of our time.


Sa paraiso ng Eden unang nasilayan ang nakakubling
Kahulugan ng kanyang larawan
Hinugot sa kaliwang tadyang, nililok ng Bathala
Bilang kapares ni Adan.
Sa sabsaban ng Bethlehem unang naaninag ang dakilang
Pahiwatig ng kanyang mukha
Na tanging pinagkalooban ng isang pag-ibig sa sanlibutan,
Sinasamba sa dambana.

Ang sigaw ng rebelyon ni Gabriela, maulinigan ang tinig
Ng bantayog sa kagitingan
Nang sumapit ang karimlan sa ilalim ng mababangis na leon
Dito sa kapuluan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, may babaeng gabay
Sa EDSA Rebolusyon,
Labanan ang diktador na pumuksa sa kalayaang
May ginintuang layon.

Ang pagtatag ng tagumpay, walang matipunong Adan
At walang mahinang Eba
Sa trono ng paraiso, sa papel ng katungkulan,
Sa mukha ng baraha.
Kundi ang pagbabata hanggang kalbaryo, ang pagkanta
Ng kanyang sariling awit,
Ang pagtayo ng mga adhikain kahit na
Ang tadhana’y mapagkait.


SALAMAT
Michelle Constantino


Sa panahong ako�y litong-lito
Salita mo�y narito
Sa puso kong hindi mapakali
Pinatunayan mong hindi ako bigo

Sa oras ng kalabuan ng aking buhay
Ikaw ang aking naasahan
Sa aking kasiyahan
Alam kong ikaw ay nariyan

Sa maikling panahon
Madali mong naahon
Ang lunod kong buhay
Upang maging makulay

Sa iyo ko naramdaman
Ang tunay na pagkakaibigan
Na hindi ko ipagpapapalit
Kahit isang saglit

Kung hihiling pa ako sa Kanya
Ng isang kaibigang nais kong makilala
Sana�y isang taong kagaya mo
Na hindi magsasawang tumulong sa tulad ko.


aKinG pAg-IbiG
May Suñiga


Paano matutukoy and tanging pag-ibig?
Kung wala itong katulad, sukat, at bilang
Walang dami ng salita ang makakalarawan
Walang una, huli, simula, at hangganan...

Baon ang luha mo sa aking pag-alis
Katinuan at lakas unti-unting lumipad
Isinuko ng pagod, manhid sa sakit
Isinuka ng kaluluwa, mukmok sa isang tabi
Kahit si kalungkutan hindi nakatiis
Sa isip ko'ng puro larawan mo'ng nakasabit.

Wala na nga ba'ng pangarap o ni isa mang sumpa?
Tuluyan ng bang nilimot ng pusong inulila?
Wala na bang natira, nilamon ng nakaraan
Kundi mumo sa hapag ng ating pinagsaluhan?

Wala na ba'ng pag-ibig na tangi at lubos?
Sa saya nagtampisaw, panahon ang umukit
Noo'y parang arnibal na walang kasing tamis
Ngayo'y s'ya namang pait nang sinunog ng galit.

Ngayon ako'y nakatunganga, ako at aking puso
Hinubog at pinalago ng tanging pag-ibig,
Isinilid sa alaala mong selyado ng halik,
Sa pinakamamahal kong, iba na'ng nagmamay-ari.


Ideyalismo
Fermin S. Salvador


Mag-alok ka ng ideyalismo,
May mga makikinig sa iyo
Pagkat may nangangarap pang tao
Na di bihag ng materyalismo.

Sabihing inyong ipaglalaban
Ang kalayaan at katarungan,
Sila'y magsisipagtaas-kamay
Tanda ng pag-ayon at pagdamay.

Mag-alok ka ng ideyalismo,
Hindi masasayang ang pagod mo
Pagkat hindi ang lahat sa mundo
Ang hanap ay bayad at purbetso.

Sabihing inyong itataguyod
Ang kapakanan at pagbubuklod
Ng mga naapi at nalimot,
Sila'y nahahandang makisangkot.

Mag-alok ka ng ideyalismo
Di para maging bida't pamoso
Makatatagpo ka ng katoto
Na tapat kahit pa magdelubyo.

Sabihing inyong ipapahayag
Ang paniniwala at pagmulat
At mithi nang ang baya'y umunlad,
Puso nila'y sasamang maglayag.

Mag-alok ka ng ideyalismo,
Hinihintay ka ng libo-libo
Na ang hangarin ay pagbabago
Na di huwad o 'sang balatkayo.

---

Mag-alok ka ng ideyalismo
Nang di nagtatanong kung magkano
Ganito man ang sagot sa iyo:
"Ideyalismo't tula lang ito."

ang hindi pagtula
Mark Alvin Ligaya


naisip ko ngayon na hindi tumula,
yung para bang sumulat ng tula
na hindi naman talaga tula
yung kabaligtaran ng tula
kung may ganoon man
walang pinanggagalingan
na apoy sa puso o isip
ngunit may pinapaksa
sapagkat hindi naman laging
may tema ang isang magandang tula
minsan ang mga magagandang tula
ay punit-
punit
lasog-
lasog
na nagbibigay dito ng sinasadyang karakter
basag, sabog, gulanit
mga larawang pasulpot-sulpot
lumulutang na mga kalaliman
at kababawang minsan ay di maintindihan
kahit ang hindi pagkaintindi kung minsan
ang nakapagpapahatid ng nais maintindihan

Makakain Pag Malinis
Fermin S. Salvador


Makakain pag malinis
Ang bibingkang puro latik,
At kahit ubod nang lagkit,
Makakain pag malinis.

Makakain pag malinis
Ang monay na sobrang taba
Na tila ba ay pasadya
Sa bungangang dambuhala.

Makakain pag malinis
Ang mansanas na manipis,
Buto sa gitnang maliit,
Makakain pag malinis.

Makakain pag malinis
Ang ilang piling bulaklak
Kahit tuyot na o mamad
Pag nahugasa'y may sarap.

Sa Guhit Ng Palad
Jack Alvarez

Hawak ng mga daliri ang limguhit
mga linyang kumakanta sa awit
ng palad
at naglalahad…
mga himnong alibugha sa ritmo,
mga agunyas sa sementeryo
na huwad
ang isinasaad

sa tunay
na kulay.

i.
‘Sandangkal na nagtutulak sukatin
ang kapwa humihinga sa hangin
ng daigdig,
kahit tubig…
ni munting tulo ay hindi nagwisik sa kuko
ng nagmamalimos ng piso
dahil hawak
ng uwak.

ii.
Ang walang sawang pinalalakbay ang panulat
sa mukha ng buwan at balat
ng libro,
may konsepto…
karaniwa’y lumalabis pati ibang planeta
ay agawin sa kamay Niya-
ang lumikha
na Bathala.

iii.
Laging nagnanasa’t naghahangad
ng palakpak, ng ginintuang gawad
sa larangan
at karunungan…
pangarap lagi ang mga tropeo,
ang mga pilak na uniberso
ng mapanglaw
na araw.

iv.
Mga daliring hawak ay bakal na rehas
tila mga kamay ay naaagnas
sa sala
na nagawa…
di na mabilang ang paglubog ng taon
pati ang pagluha maghapon
ng linyang
may utang.

v.
Hinlalaki’t hintuturo’y kalansing ng pera
ang sinusunson sa bawat eskina
ay kinakalahig
ang daigdig…
inangkin ang lahat maabot ng tanaw
kamkamin ang yaman ang siyang pananaw
upang maghari
ang daliri.


vi.
Balat-kayong pagkurus sa harap ng rebulto
ni Jose, ni Maria, pati kay Kristo
sa dambana
ng lupa…
pinahahalik ang tuhod na marumi,
dinadala ang putik na kayrami
sa drama
ng mata.


Kukumpas sa wala ang dipa
ng kanyang paghinga at pagkanta
sa koro
ng mundo…
bagay lamang na itiklop, putulin
sa hanay ng mga buhangin
na umaawit
sa limguhit

na totoo
ang liriko.

 

R i t w a l
Ezzard R. Gilbang


Isinayaw ng apoy ang handog;
at ang abong ay tiningala sa paglipad.
Kumalas sa kamay ng bundok
at humalik sa ulap.
Humal sa lupa ang pagpadyak,
kasabay ng agong at kitubeng
ang bulong ng mga dalanging
ang hasik ng langit ay magsaboy.
Sumaklob ang dagundong
nang magsukob ang hiyaw at hugong.
At nagtampisaw ang mga bul-ul at kabunyan
sa saliw at halimuyak ng kanyaw.
Nagbunyi. Nagbunyi sa yakap ng lamig at halik
ng patak ang mga punong dati’y lupasay.
Ngunit, ayaw nang humupa ang pag-indak.
Hanggang mangilabot ang balat ng lupa
at ang labing dati’y bitak ay namamad.
Kailan dudungaw ang araw?
Kailan matatapos ang dung-aw ng ulap?
Nanoot ang aniw ng ginaw sa laman at lamad.
At ang ilog ay naglungad
ng banlik at burak; nagdurugong luwad.
Na umagos sa pagitan ng mga ugat ng bundok.
Sa ibaba, ang mga abung-abong
na nakahilig sa dahilig ay nangatal,
Habang tinitingala ang malalaking tipak
Ng mga batong nagsimulang sumayaw.

Gaano Katagal Ang Ngayon?
Mark Alvin Ligaya


Ang ngayon
Kasalukuyang naiiwanan ang nakaraan
Hinahabol ang kasalukuyan
Ang ngayon
Kahapon ay kinabukasan
Bukas ay kahapon
Kanina ay mamaya
Mamaya ay kanina
Ang ngayon
Umiiral nga ba ang ngayon?
Sinasabi ng ilan
Na nabubuhay sila sa ngayon
Gaano katagal ang ngayon?
Nasusukat nga ba ang panahon?
Nahahawakan ba ang panahon?
Kung ako ay mabubuhay sa ngayon
Bukas ay nabuhay ako sa kahapon
Kahapon ay nabuhay ako sa kinabukasan
Ang ngayon
Gaano katagal ang ngayon?


payaso
Maria Isabel Arellano


puro kalokoha't kasiyahan
iyan daw ang iyong nalalaman
lagi ka ngang pinagtatawanan
at isinasama sa mga umpukan

ngiti mo ay kinasasabikan
kuwento mo ay kinatutuwaan
para kang payaso na batikan
patawa mo ay hinahangaan

kapag sila'y apaw sa kalungkutan
ikaw ang laging nilalapitan
lagi mo raw kasing nababawasan
ang lumbay ng mga kaibigan

pero 'di nila alam, ito'y maskara lamang
dahil ang masaklap na katotohanan ---
puso mo'y nagdurugo, lubhang sugatan
at wala kang magawa, kundi sarilinin ang nararamdaman.

 
 
   
Today, there have been 11 visitors (13 hits) on this page!
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free